Upang gunitain ang kultura at tradisyon ng mga katutubo, inilunsad ng Assumption College of Davao (ACD) ang selebrasyon ng Indigenous People’s Month na may temang “Pagpapayaman ng Pamanang Kultural at Katutubong Yaman Tungo sa mas Maliwanag na Kinabukasan para sa Bagong Pilipinas”, sa ACD gymnasium noong Oktubre 27, 2023.
Ibinida ng mga Assumptionistas ang kanilang angking galing sa larangan ng pagsayaw sa Contemporary Dance, pagpinta sa Contemporary Painting, at pagrampa sa Avant Garde Fashion Show kung saan namayagpag ang pangkat ng Compassion Day at Evening class.
Umindak at nagpamalas ng galing ang mga kinatawan ng bawat strand sa Contemporary Dance na nagtampok sa mga tradisyon at pagkakakilanlan ng mga katutubo, maging ang mga isyung kanilang kinakaharap.
Nagpasiklab at kumpiyansang inirampa ng mga kinatawan ng bawat pangkat ang mga makukulay na kasuotang ginawa gamit ang mga indigenous at recycled na mga materyales sa Avant Garde Fashion Show, itinampok din ang kanilang mga adbokasiya at kung paano sumasalamin sa buhay ng mga katutubo ang kanilang ginawang mga kasuotan.
Sa pagdiriwang na ito, hindi lamang ang kultura at yaman ng mga katutubo ang umani ng pagkilala, kundi ang mga mag-aaral mula sa Grade 12 sa kanilang aktibong partisipasyon sa selebrasyon ng IP Month.
Ang paggunita sa IP Month ay nagtampok sa kahalagahan ng pagpapahalaga sa kultura at tradisyon ng mga katutubo, na susi sa mas malalim na pag-unawa at pagmamahal sa ating pamanang kultural.
Writer-on-duty: Liezl C. Bialao
Facebook Post Link: VINTA SHS ACD – 𝐏𝐚𝐠𝐝𝐢𝐫𝐢𝐰𝐚𝐧𝐠 𝐧𝐠 𝐈𝐏 𝐌𝐨𝐧𝐭𝐡, 𝐦𝐚𝐭𝐚𝐠𝐮𝐦𝐩𝐚𝐲 𝐧𝐚 𝐢𝐝𝐢𝐧𝐚𝐨𝐬 𝐧𝐠… | Facebook