ACD, Masiglang Ipinagdiwang ang Buwan ng Wika 2024

Sa isang makulay at masiglang pagtitipon, ipinagdiwang ng Assumption College of Davao (ACD) ang Buwan ng Wika noong ika-28 ng Agosto, na may temang “Filipino: Wikang Nagpapalaya.” Ang pagdiriwang, na isinagawa ng mga mag-aaral mula sa ika-11 baitang ay naglalayong palakasin ang kamalayan at pagpapahalaga sa wikang Filipino bilang simbolo ng pagkakaisa at kalayaan ng ating bansa.

Pinangunahan ng mga guro at administrador ang selebrasyon na nagsimula sa isang makulay na parada, na sinundan ng pag-awit ng koro at ng Pambansang Awit ng Pilipinas, sa pangunguna ng Singers of the Assumption (SOTA).

Sa pambungad na mensahe, ipinahayag ni Ginoong Jigs Rodolph Esios ang kahalagahan ng Buwan ng Wika, kung paano, at bakit ito dapat ipinagdiriwang nang may pagmamalaki. Ibinihagi rin ni Ginoong Esios ang kahalagahan ng pagdiriwang ng nabanggit na okasyon bilang parte ng kultura ng ating bansa.

Isa sa mga tampok na bahagi ng programa ay ang pagtatanghal ng Paalab Cultural Dance Group, kung saan sila’y nagpakitang-gilas sa pamamagitan ng isang masiglang katutubong sayaw. Sila ay nakasuot ng makukulay at tradisyunal na kasuotan, at sa bawat galaw at indak ay binigyang-buhay ang mayamang kultura at kasaysayan ng iba’t ibang katutubong komunidad sa Pilipinas.

Bukod sa mga pagtatanghal, nagkaroon din ng iba’t ibang paligsahan na nagpakita ng talino at galing ng mga mag-aaral sa larangan ng wika at sining. Kabilang dito ang Romantikong Dueto at Doble Kara, kung saan ipinamalas ng mga kalahok ang kanilang husay sa pag-awit at pagsadula ng mga emosyonal na kanta at kwento, na nagbibigay-buhay sa mga malikhaing interpretasyon ng kanilang mga piniling pyesa.

Hindi rin nagpaawat ang Lakan at Lakambini ng Wika, isang patimpalak na nagpamalas ng kagandahan, talino, at husay ng mga kalahok. Sa patimpalak na ito, hindi lamang pisikal na ganda ang binigyang-pansin kundi pati na rin ang kaalaman sa kulturang Pilipino, ang paggamit ng wikang Filipino sa mga talumpati, at ang kahusayan sa pagsagot ng mga katanungan tungkol sa kasaysayan at wika. Ang mga kalahok ay nagsilbing inspirasyon sa mga manonood upang yakapin ang yaman ng kulturang Pilipino.

Bilang bahagi ng programa, binigyang-buhay din ng Indak Silakbo ang entablado sa kanilang pagsayaw, na sinundan ng Unison Dance na naghatid ng kapanapanabik na pagtatanghal. Sa bawat galaw, ipinakita ng mga kalahok ang walang kapantay na enerhiya, sigla, at pagkakaisa — isang patunay ng lakas ng diwa ng mga kabataang Pilipino.

Sa pagtatapos ng programa, pinarangalan ang mga nagwagi sa iba’t ibang patimpalak, na nagbigay ningning sa pagtatanghal ng araw na iyon. Para sa Romantikong Dueto, itinanghal na kampeon ang grupo nila Joshua Canoles at Alemie Shantiel Entor mula sa STEM Day Class at sina Lawrence Antigo at Erica Erediano ng Evening Class.

Samantala, sila Christian Evardone ng HUMSS Day Class at Erica Erediano ng Evening Class naman ang nagwagi sa Doble Kara dahil sa kanilang natatanging kakayahang magpalit ng karakter habang nananatiling tapat sa emosyon ng bawat bahagi ng kanilaang pagtatanghal.

Huli namang itinanghal ang mga nagwagi sa paligsahan ng Lakan at Lakambini na siyang inaabangan ng mga manonood. Hinirang si Alexus Shawn Andrei Salada na Lakan ng Wika at Izenne Marie Lomosco na Lakambini Wika mula sa HUMSS Day Class. Nagwagi naman sina James Daniel Damolao at Julianna Ortillano bilang Lakan at Lakambini ng Wika ng Evening Class.

Ang kaganapan ay nagkaroon din ng sariling patimpalak sa larangan ng sining, na nagpapakita ng kanilang malikhaing kamay at isipan habang isinusulong ang layunin ng Buwan ng Wika. Hinirang na kampeon sina Aidan Quinn Baura, Alizha Margaritte Reyes, at si Gabriel Bularon ng Day Class, habang sina Lyca Maeb Lozada, Kent Sayshe Sasi, at Jeric Paul Ryan Abayon naman mula sa Evening Class.

Matagumpay na ipinagdiwang ang Buwan ng Wika, kung saan nagkaroon ng hindi malilimutang sandali ang lahat. Napuno ng hiyawan at sigaw habang itinataguyod ang kultura ng ating bansa at naging marka ng magandang saglit para sa mga mag-aaral ng ACD.

Writers-on-duty: Adrian Silagan, and Asphen Descuatan

Photojournalists-on-duty: Jonah Gallarde, Adrian Silagan, and Asphen Descuatan